Mga Bahagi ng Pananalita.Limitless.

Natatandaan mo pa ba kung ano ang mga Bahagi ng Pananalita ng wikang Pilipino? Sa aking pagkakatanda, huli ko itong napag-aralan ng lubos noong ako ay nasa elementarya pa, at ang bawat bahagi nito ay totoong nakalimutan ko na, yun nga lang nananatiling ala-ala na lamang ang ilan sa mga ito. Masakit lamang isipin na karamihan sa atin ay lubhang dalubhasa sa wikang Ingles at sa pag-aaral sa ating sariling wika ay naiiwan lamang sa loob ng silid-aralan at nakakalimutan na agad pagkatapos ng ilang taon. Hindi kaya’t panahon na rin upang aralin ulit natin ang ating wika?

Nakakatuwang balikan ang mga katagang noon pa natin huling nagamit. ‘Yun nga lang, ang hirap mangapa at hindi mo alam kung saan ka magsisimula. Bilang napag-aralan na naman natin ito, konting pagbasa na lamang ay makukuha na rin  natin ito. At sa tingin ko, sa pagiging dalubhasa sa simpleng araling ito, ay maipapakita natin kung gaano natin maipagmamalaki ang ating wika. Kagaya nga ng sabi ko noon, paano natin matututunang mahalin ang kultura at wika ng iba kung ang sariling-atin ay hindi man lang natin maisapuso. Bilang araw-araw naman natin ito ginagamit, at napag-aralan na natin noon pa, bakit hindi natin balikan kung anu-ano nga ba ang mga Bahagi ng Pananalita ng wikang Tagalog. Ang susunod na bahagi ng aking blog ay naglalaman ng buod ng mga Bahagi ng Pananalita na sa tingin ko naman ay makatutulong upang manariwang muli ang ating kaalaman at pagkadalubhasa sa wikang Tagalog.

A. Mga Salitang Pangnilalaman (Content Words)

1. Mga Nominal (Nominals)

a. Pangngalan (Noun) – mga salitang nagsasaad ng pangalan ng tao, hayop, bagay, pook, katangian, pangyayari, atbp.
Uri:
➤ Pantangi (Proper Noun) – Ninoy Aquino, Pilipinas
➤ Pambalana (Common Noun) – pangulo, bansa

Kayarian:
➤ Payak – mga salitang sariling atin (lila, lamabat, ilog)
➤ Maylapi – nagtataglay ng panlapi (kagandahan, palaisdaan)
➤ Inuulit – inuulit ang salitang-ugat (sabi-sabi, gamugamo)
➤ Tambalan – binubuo ng 2 salita pero iisa ang kahulugan (akyat-bahay, hampaslupa)

b. Panghalip (Pronoun) – mga salitang panghahali sa pangngalan

Uri:
➤ Panghalip na Panao – ay ipinapalit sa ngalan ng taong nagsasalita, sa taong kausap at sa taong pinag-uusapan (atin, ikaw, kayo)
➤ Panghalip na Pamatlig – ay inihalili sa pangngalang nagtuturo ng lugar na kinalalagyan ng pangngalan (ito, iyan, doon)
➤ Panghalip na Panaklaw – Nagsasaad ng Kaisahan o kalahatan (isa, lahat)
➤ Panghalip na Patulad – inihalili sa itinutulad na bagay. (ganito, ganyan)
➤ Panghalip na Pananong – inihahalili sa pangngalan kung nagtatanong. (sino, kanino, ano)

2. Pandiwa (Verb) – nagpapahayag ng kilos, gawa o kalagayan

Uri ayon sa kaukulan:
➤ Payak – ipinalalagay na ito ang simuno (Masarap kumain ng sorbetes)
➤ Katawanin – may simuno ito nguni’t walang layong tumatanggap (Ang mabait at magalang ay pinagpapala.)
➤ Palipat – may simuno at tuwirang layon (direct object) (Nagsampay ng damit si Maria.)
Aspeto:
➤ Pangnagdaan (past tense) – nagpapahayag ng kilos na natapos na (Nagluto si inay ng isda.)
➤ Pangkasalukuyan (present tense) – nagsasaad ng pagkilos na nasimulan na subali’t hindi pa natatapos. (Nagluluto si inay ng isda.)
➤ Panghinaharap (future tense) – nagpapahayag na ang kilos o gawa ay mangyayari pa lamang. (Magluluto si inay ng isda.)

3. Mga Panuring (Modifiers)

a. Pang-uri (Adjective) – mga salitang nagbibigay-turing o naglalarawan sa pangngalan at panghalip
Uri:
➤ Panlarawan – salitang naglalarawan (Matamis ang tinda niyang mangga.)
➤ Pamilang – nagsasaad ng bilang (Sampu ang aking mga daliri.)
Kaantasan ng Pang-uri:
➤ Lantay – nagbibigay ng simpleng paglalarawan (Maganda si Anna)
➤ Pahambing – naglalarawan sa dalawang pangngalan (Mas maganda si Maria kaysa kay Anna.)
➤ Pasukdol – pagbibigay ng sukdulang paglalarawang nakahihigit sa lahat (Pimakamaganda si Karen sa kanilang lahat.)
b. Pang-abay (Adverb) – mga salitang nagbibigay-turing o naglalarawan sa pandiwa, pang-uri at kapwa nito pang-abay (Taimtim na nagdasal ang bata)

B. Mga Salitang Pangkayarian (Function Words)

1. Mga Pang-ugnay (Connectives)

a. Pangatnig (Conjunction) – mga salitang nag-uugnay ng dalawang salita, parirala o sugnay (sapagkat, at, raw, pati)
b. Pang-angkop (Ligature) – mga katagang idinudugtong sa pagitan ng dalawang salita upang maging kaaya-aya ang pagbigkas ng mga ito (na, -ng at -g) (mataas na tao, malayang isipan)
c. Pang-ukol (Preposition) – mga salitang nag-uugnay sa isang pangngalan sa iba pang salita
Pangkat:
➤ Ginagamit bilang pangngalang pambalana (Common Noun) (Ang mga donasyong ibinigay ng mga pulitiko ay para sa mga nasunugan.)
➤ Ginagamit na pantukoy sa ngalan ng tanging tao (Ang librong kanyang binabasa ayukol kay Imelda Marcos.)
d. Pandamdam – mga salitang nagdadamdam ng malakas na emosyon. (hoy, wow, grabe)

2. Mga Pananda (Markers)

a. Pantukoy (Article/Determiner) – mga salitang laging nangunguna sa pangngalan o panghalip (ang, si)
b. Pangawing o Pangawil (Linking o Copulative) – salitang nagkakawing ng paksa o simuno (Subject) at panaguri (Predicate)

Marahil ay hindi kumpleto ang aking inibahagi, ngunit sana ito’y nakatulong upang muli nating maalala kung gaano kaganda at kagaling ang ating wika. Hindi mo kailangang maging bihasa at dalubhasa sa pagbigkas, ang kailangan mo lang ay magkaroon ng puso na matutunan ang wika at mamuhay kasama nito, hanggang sa kamatayan. Sa isang paraan mo lang naman maipapakita na ipinagmamalaki mo ang iyong wika, iyon ay sa tahasang paggamit nito. Paano mo nga naman magagamit ng ganap ang sarili mong wika kung hindi mo naman alam kung para saan ito at kung ano ang sinasabi mo, hindi ba? Napakahalaga na kilalanin natin itong mabuti, dahil kahit ano pang gawin natin, babalik at babalik din tayo sa ating pinagmulan, sa wikang Tagalog.

Huwag nating hayaang mabura sa kasaysayan ng ating bayan ang ating wika. Palaganapin natin ito at muling buhayin, muling bigyan ng interes ang ating bayan upang muling mahalin ang ating wika. Para saan pa’t ipinaglaban ng ating mga ninuno at mga bayani ang ating wika kung kakalimutan natin ito at isasawalang-bahala? Hangga’t nasa atin pa, pahalagahan natin. Isa ito sa mga natatanging kayamanan ng ating bayan na walang sinoman ang makakakuha at walang halaga ng pera ang makatatapat. Ako mismo, mahal na mahal ko ang ating wika kaya sinigurado ko na ang buwan ng Agosto ay para dito at may lugar ang aking blog para sa mga Tagalog na paksa. Sana bilang indibidwal at Pilipino, gawin din natin ang ating bahagi upang ipagmalaki ang ating wika. Kailan pa ba, kung kelan pa wala na, o kung kelan tuluyan ng mawala? Huwag nating hayaang mahuli ang lahat bago pa tayo magsisi sa ating mga desisyon. Minsan kasi, kung ano pa ang kinaliligtaan, ay iyon pa ang mahalaga. Kaya bilang Pilipino, tayo’y magbasa, magsulat at magtalastasan gamit ang ating wika at ipakit natin sa buong mundo ang ating napakaganda at napakakulay na wikang Tagalog.

Mga Pinagmulan:

http://tl.wikipedia.org

http://filipinotutorial.blogspot.com

 

 

 

About these ads

One thought on “Mga Bahagi ng Pananalita.Limitless.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s