Linggo Ng Wika.Limitless.

Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.” – Jose Rizal

Sa tingin ko ito naman ang tamang panahon para magbigay-pugay sa pambansang wika ng Pilipinas, ang wikang Tagalog. Sa susunod na dalawang linggo ay purong sa wikang tagalog muna ang gagawin kong mga blog para pasinayaan ang selebrasyon ng Linggo ng Wika.

Ang wika ay hindi lamang basta lengwahe o grupo ng mga salita na binibigkas sa isang bayan, para sa akin ang wika ang simbolo ng isang bayan, nilalaman nito ang kasaysayan at katangian ng mga mamamayan ng bansang ito. Sa modernong panahon ngayon, kadalasan ng ginagamit ang mga hiram na salita at tuluyan ng nalilimutan kung ano ba talaga ang ugat kung bakit may sariling wika ang ating bansa. Para sa akin, marapat pa rin na panatiliin at alagaan ng bagong henerasyon ang ating wika. Ating kilalanin ng mabuti kung gaano kaganda ang ating wika at alamin ang mga paraan upang mas maalagaan pa ito at maipasa ng buo sa susunod na henerasyon.

Wikang Tagalog, Puso ng Pilipinas

Isipin mo na lang, paano kung walang wikang tagalog ang nabuo sa kasaysayan ng Pilipinas? Saan tayo pupulutin ngayon? Malamang purong Espanyol o Ingles ang lengwahe natin ngayon. Hindi naman sa ayaw ko sa mga banyagang wika, kundi masasabi ko lang naman na isang bagay na aking maipagyayabang na mayroon tayong sariling wika, at iyan ang nagpapakita ng kakaibang katangian para sa ating mga Pilipino. Ang nakakatuwa pa eh napakadaming katangian ng wikang Tagalog. Isa na dito ang pagiging napakadaling iakma sa ating wika ng ilang salitang Ingles, na tinatawag din nating hiram na salita, kagaya ng salitang Jeep na maibabaybay sa Tagalog bilang Dyip o di kaya naman Cellphone na nananatiling Cellphone  sa tagalog, ngunit hindi napapalitan ng kahulugan at nananatiling pormal sa pandinig ng mga tao. Isa pang magandang katangian ng wikang Tagalog eh bawat salita ay magpapakita ng sining, lalo na sa Balagtasan. Ang Balagtasan ay talastasan ng dalawang Balagtas, o taong nakikpag-usap o nakikipagdebate habang tumutula. Katulad na lamang ng linyang “Aba’y aking katoto, maghunusdili ka, para bagang ang iyong ina lamang ang tunay na maganda?” na pwedeng sagutin ng isa pang Balagtas ng, “Oo naman aking katoto, aking maipagmamalaki ng totoo, si ina ang tunay na pinakapamaganda sa mundo.” Nakakamangha pakinggan ang wikang Tagalog na naiaangkop sa sining bilang ito nama’y tunay na magaling na wika talaga. At isa pang kamangha-mangha sa ating wika ay ang pagiging mahiwaga nito, ang pagbibigay ng kulay sa bawat salitang binibigkas o sa mga obrang naililimbag ng mga Tagalog na manunulat at sa mga kantang napakikinggan sa ating mga radyo, na para sa akin ay mas madaling ilabas at mailarawan, gamit ang sining, ang nararamdaman at tunay na saloobin ng isang tao gamit ang ating wika. Tunay nga na ang ating wika ay  isa sa  maipagmamalaki at itinatagong kayamanan ng ating bansang Pilipinas.

Ang Hinaharap ng Wikang Tagalog

Nakakalungkot lang isipin na napagiiwanan na ang ating wika sa iba pang mga wika sa mundo. Oo nga at ang wikang Ingles ang pangalawang wika sa ating bansa at ang pangunahing wika sa mundo, ngunt ang sakit isipin na marami sa ating mga Pilipino ang mas pinipiling gamitin ang wikang Ingles sa pangaraw-araw na talastasan. Marami na sa atin, na ang tingin sa wikang Tagalog ay para sa mga ordinaryong Pilipino lamang at ang Ingles ay para sa mga mas nakatataas. Minsan pa ay may mga kapwa tayo Pilipino na marunong mag-Ingles pero hindi marunong mag-Tagalog. Sa ating mga tahanan nagsisimula kung paano natin matututunang mahalin ang ating wika. Kung inyong susuriin, ilang Tagalog na awitin ba ang nasa inyong mga listahan ng kanta? O di kaya naman ilang Tagalog na nobela na ba ang nabasa mo? O ilang pelikulang Tagalog na ba ang pinanood mo ngayong taon? Malamang kung dodoblehin mo eh wala pa sa kalahati ng bilang ng Ingles na pelikula, kanta o libro na napanood, napakinggan o nabasa mo. Nakakalungkot isipin na karamihan sa atin ay hindi man lang matutunang mahalin ang sariling atin. Sa tingin ko kaya lalong bumabagsak ang industriya ng literatura ng ating bansa ay hindi lamang dahil sa kakulangan sa pondo, kundi dahil sa kakulangan sa interes ng publiko. Kaya lubos kong sinusuportahan ang mga Pilipinong manunulat ng mga nobela, awitin o pelikula dahil ibinubuhos nila ang kanilang talino at ginagamit ang kung anumang meron sila upang magbigyang-pansin ito ng publiko. Kailangan na nating simulang tangkilin ang sarili-atin bago pa mahuli ang lahat. Kailangan pa bang mawala ang wikang Tagalog bago natin makita ang kahalagahan nito?

Totoo nga, napakalansa at napaka impokrito ng isang Pilipinong ni hindi man lang gamitin at pahalagahan ang wikang tagalog. Buksan natin ang ating puso at isip at simulan nating alamin ang kahalagahan nito sa ating buhay. Ano pa’t ipinaglaban ito ni Rizal at ni Quezon upang maging pambansang Wika at hindi man lan natin mabigyang hustisya? Ano ba naman ang ipagmalaki natin at gamitin ng lubos ang ating wika, isa sa mga natatanging bagay na libre sa ating bansa? Inuudyok ko kayo na simulan ng gumawa ng mga tula, o di kaya nama’y mga awitin o nobela na purong tagalaog. O di kaya nama’y patuloy na manuod ng mga pelikulang Tagalog. Huwag nating kalimutan kung saan tayo nagsimula dahil ang paglimot nito ay hindi lamang pagtalikod sa ating kasaysayan kundi pagbura na rin sa ipinamana ng mga bayani at mga ninuno natin sa atin. Wika ang ilaw ng ating bansa at kung walang ilaw, malamang ay hindi tayo magkakaintindihan, at mas lalong naligaw na tayo. Mas masarap ilahad ang tunay na damdamin gamit ang wikang Tagalog. Huwag natin itong ikahiya, ipagmalaki natin ito. Ngayong Linggo ng Wika aking mithiin na inyong makita kung gaano kahalaga ang ating Wika. Oo nga’t araw-araw natin ito ginagamit ngunit nakakaligtaan na natin kung ano ba talaga ang halaga ito. Laging tatandaan na ito ang simbolo ng demokrasya at ang mukha ng bawat Pilipino. Palaging itanim sa ating mga puso na ang wikang Tagalog ang mananatiling pangunahing kayamanan ng ating bansa, at magiging pangunahing sandata ng susunod na henerasyon upang kanilang maging gabay sa pagharap sa mas mahirap na pagsubok ng kinabukasan. Makukuha na ang lahat sa ating bansa ngunit ang ating Wika ay mannantiling sariling atin. Isa-puso ito, at hayaang mapuno ang ating puso ng mga katagang Tagalog na ating magiging tulay sa walang humpay na kalayaan.

About these ads

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s